Linggo, Hulyo 27, 2008

Editorial: Ang pinakamahalagang kayamanan

source: http://www.filipinohorsevelocity.com/community/index.php?topic=1977.msg8613#msg8613

Maraming mahahalagang bagay o kayamanan sa buhay ang mga tao. Maaaring ito ay salapi, katanyagan, pangalan at kung anu-ano pa. Ipokrita tayo kung sasabihin na­ting hindi mahalaga ang mga ito. Ngunit, sa labis nating pagpapaha­laga sa mga bagay na ito ay nakakaligtaan na natin ang pinakamahalagang kayamanan na dapat na­ting matamo, ang Kaharian ng Diyos - ang ating kaligtasan, ang buhay na walang hanggan.

Sa ating Ebanghelyo sa Linggong ito, ang Kaharian ng Langit ay inihalintulad ni Jesus una sa isang nakatagong kayamanan sa bukid. Nang makita ito ng isang matalinong tao, ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon. Ang pagtatamo sa kaharian ng langit ay pagkakaroon ng kaligtasan, ng buhay na walang hanggan.

Ang paghahari ng Diyos ay tulad din nito: May isang mangangalakal na naghahanap ng isang mamahaling perlas. Nang makakita siya ng isang napakahalagang perlas, ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon. Itinuturo rito ni Jesus na ang kaharian ng langit ay higit na mahalaga kaysa anumang bagay na ating pinahahalagahan. Maraming bagay o biyaya ang maaari nating makamtan dito sa mundo, ngunit si Kristo lamang ang makapagbibigay sa tao ng pinakamahalagang biyaya - ang kaligtasan, ang buhay na walang hanggan. Maraming uri ng perlas, ngunit ang pinakamahalagang perlas ay na kay Kristo, sapagkat si Kristo mismo ang perlas na iyon.

Ang kaharian ng Diyos ay inihalintulad din ni Jesus sa isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-sa­ring isda. Nang mapuno ito ay hinila sa pampang. Doon ay pinagbukod-bukod ang mga isda. Ang magagandang klase ay inilagay sa lalagyan, habang ang mga walang kwenta ay itinapon.

Ang lambat ay inihagis ni Kristo at ng mga alagad sa dagat (daigdig). Mabubuti at masasamang isda ang kanilang nahuli. Ngunit sa araw ng paghuhukom, sa ka­tapusan ng mundo, ihihiwalay ang mabubuti sa masasama. Ang masasama ay ihahagis na nagngangalit na apoy habang ang mabubuti ay makakasama ng Diyos sa Kanyang kaharian.

Anuman ang ating mga pinagkakaabalahan o pinahahalagahan at itinuturing na mga kayamanan sa ating buhay, huwag sana nating kalilimutang may higit na mahalagang kayamanan na dapat nating pagsumikapang matamo. Ito ang pinakamahalagang kayamanan sa lahat -ang mabuti nating relasyon sa Diyos, ang ating kaligtasan, ang buhay na walang hanggan.

Walang komento: